Kung anong tayog ng ligaya kagabi, siyang bagsak ng pait noong umaga ay sumilip. Nag-behlat sa bintana ang masungit na araw: ang dumakip sa gabi mula sa aking tabi Parang call girl na nage-evaporate sa hamog ng daling araw.
Sinasariwa ko ang ngiti na dumantay sa ating mga labi; ang mga sipol ng tawanan nating kinainggitan ng mga kerubin.
Balat ng kendi.
Busal ng mais.
Tansan ng softdrinks.
Bubblegum sa ilalim ng armchair.
Tumulala ako sa kisame na tumestigo sa ating luwalhati. At sinabi ko sa sarili, “Wala ka na, wala ka na, wala ka na.”
Kaaway ko ang liwanag ng araw.